Dahil ako ay isang galawgaw
Matapos ng halos anim na buwan ng hindi pagkikita, nakita kong muli ang aking mga kaibigan na sina Bel at Mapi kahapon sa UP.
Kahit sa ilang sandali, nagkasama na naman ang Tatlong Maria sa may hagdanan ng Malcolm Hall, nag-ingay dahil sa salaysay at talakay sa buhay ng isa't isa, at matapos ay pinaringgan pa ako ng guard na ang ingay daw namin.
Boss, inggit ka lang.
Isang linggo na ang itinagal ni Mapi sa UP, at lubos na sumakit ang ulo ko sa pagpipigil na maiyak nang sinabi niya ito sa amin ni Bel:
"Sa mga ganitong panahon [na pumapasok ako dito], namimiss ko kayo lalo, kasi matapos ng klase, wala akong nakakasamang tao na parang tayo, yung solido na alam mong palaging andun."
Wala na lang akong nagawa kundi titigan siya, at yakapin. Sinabi rin namin sa kanya na makakatagpo din siya ng mga kaibigan dun (sana nga hindi lang mas basag ang pula sa aming tatlo).
Sa palagay ko naman ay magiging masaya si Mapi sa kanyang kinalalagyan, at sa huling-huli'y sa pasya niya na pumasok sa abogasya.
At isa pa, sira ulo pa rin siya pero mellowed na raw sa paningin ni Bel. Naknaman... :)
Matapos ng dalawang taon, natulungan ni Bel ang kanyang production outfit kung saan siya namamasukan na lumago hanggang sa may Makati. May kapatid na si Glue: si Ignite naman ang kanyang kasalukuyang inaalagaan. Lubusan siyang pumayat (inggit ako), at palaging nag-aalala sa kanyang balat na okay naman sa aking pag-eestima. Pahinga lang yan, dude.
Katatapos lamang ng kaarawan niya nitong Mayo kaya binigyan ko siya ng CD ng MP3s ng lahat ng maaari niyang magustuhan kasama ang foot lotion. Lakad kasi ng lakad tulad ko kaya alagaan naman niya sarili niya sa paliligo ng peppermint sa paa. Hardworking girl kasi yun e.
Habang hinahantay namin si Mapi na lumabas (pero matapos nito din na rin kami nagkita pa kasi umuwi siya bigla), kami ay naglakad-lakad lang sa UP, tulad ng ginagawa namin ni Angel tuwing mapapadpad kami dun. Pumunta kami sa shopping center, tumingin ng abubot sa mga tindahan ng school supplies, kumain ng green tea and raspberry ice cream (nyummmmmmmm - ganun siya kasarap at P15 per scoop), bumili ako ng sticker ng UP para sa aking nanay nang maidikit naman niya sa kotse habang si Bel ay masaya na sa kanyang address book na pula.
Natapos ang aking araw sa paghatid kay Bel sa sakayan tungo ng Q Ave na MRT, habang ako diretso SM North naman.
Gusto ko na rin umuwi.
Pagdating sa Malolos, ibinili ko sila Mama at Nanay Rosi ng Chow Mein sa Chowking. Namiss ko rin sila matapos ng linggong ito.
Napakahirap ng linggong ito.
Ngayon, kasalukuyang iginagarahe ang kotse. Ibinili nila ako ng goto at toge, na lubusang swak na swak para sa umagang ito.
***
Bata pa ako.
Ito ang tingin ko sa sarili ko. Bata pa naman ako. 22 taong gulang.
Pero sa mga nangyayari ngayon, unti-unting umaalis ang Bata. Hindi kasi siya nararapat sa opisina, kaya pinauuwi siya. Hindi siya nararapat sa mga usapang matanda, kaya tinatakpan niya ang kanyang mga tainga. Hindi siya dapat sumabat, kaya itinitikom niya ang kanyang mga labi. Siya yung nanunood ng Drawn Together at Crank Yankers sa Jack TV, at "nilalabhan" ang pinagbalatan ng mangga matapos na i-masaker ang laman nito.
Ang kanyang mga kamay ay nakahimlay sa ibabaw ng kanyang kandungan, nakataas ang mga palad habang naghihintay ng aakay sa kanya sa mga lugar at pagkakataong ito.
Ako kasi, ang 22 taong gulang na babaing may grado ng 300 sa bawat matang nearsighted, ang OC at pala-butingting sa kung ano na ang dapat gawin at maalam sa mga tungkulin, ang humaharap sa mga tao sa kalsada, sa mga kliyente't kaopisina.
Ako rin ang sumasalo sa problema ng aking mga pamilya at kaibigan, ang sumusubukang magsalita, gumabay o ipagtanggol sila sa kahit anong maaaring makasakit sa kanila.
Ako rin kasi ang nagsasabi sa mga tao na huwag mawalan ng pag-asa kahit Ayan Na. Ewan ko, pero sa lahat ng pinagdaanan ko, at sa mga nakakaalam nito, hindi ito isang malaking biro. Naniniwala ako na malalagpasan din naman kasi ang lahat ng ito.
Ako at ang bata ay iisa, ngunit kailangan ko lang munang idiit ang aking daliri sa kanyang palad upang habulin ang mga linyang sala-salabit sa palaruan niya.
Nagtagpo na ang aming mga palad at isasama siya kahit saan ako magpunta.

0 Comentarios:
Publicar un comentario
Suscribirse a Comentarios de la entrada [Atom]
<< Página Principal